Advertisers
NAMAHAGI ng tulong-pangkabuhayan ang Department of Trade and Industry sa mga residente ng Taytay, Rizal.
Ayon sa kinatawan ng DTI na si Flor Amante, mismong si Senador Christopher “Bong” Go ang humiling sa kanila na tulungan ang mga residente ng Taytay na makapagsimula ng kanilang negosyo habang mapalaki pa ang mga negosyong nakapagsimula na.
Sinabi ni Amante na base sa bilin ni Senator Go sa kanila, hindi lamang panahon ng eleksyon dapat puntahan at tulungan ang mga kababayan kundi kahit anong panahon.
Inihayag pa ni Amante na mahigpit ang bilin ni Go na manalo matalo sa eleksyon ay babalikan niya ang mga tao para ibigay ang pangangailangan ng mga tao bilang pasasalamat sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na makapagsilbi sa mga kababayan.
Iginiit ni Amante na sa kabila ng magandang pamumuhay ng pamilya ni Go sa Davao ay mas pinili niyang samahan si Pangulong Rodrigo Duterte para tumulong.
Kinumpirma rin ni Amante na isa sa marching order ni Pangulong Duterte kay DTI Secretary Ramon Lopez na tulungan ang mga maliliit na negosyante nang walang pinipiling political affiliation.
Samantala, iginiit ni Amante na hindi lang basta puhunan ang kanilang ibibigay sa mga mamamayan kundi mas mahalagang maturuan ang mga ito sa tamang paraan at kaalaman sa pagnenegosyo. (Mylene Alfonso)