Advertisers
NATAGPUANG patay ang isang public school teacher sa Inoburan Elementary School sa Barangay Inoburan, Naga City.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Junnel Caadlawon ng Naga City Police Station ang biktima na si June Leo Pañares, 33 anyos, high school teacher ng City of Naga Integrated Center for Science, Technology, Culture and Arts, at residente ng Barangay Tinaan, Naga City, Cebu.
Ayon kay Caadlawon, 1:00 ng hapon nang matuklasan ng kasamahan ng biktima na si Simon Careno ang insidente sa Inoburan Elementary School.
Sa imbestigasyon, nagpaalam ang biktima na tutungo sa paaralan at doon matutulog Sabado ng gabi.
Kinabukasan nagtungo sa paaralan si Careno at laking gulat nang maabutan na nagkalat ang dugo sa loob ng silid at binalot sa kurtina ang biktima na mayroon mga tama ng saksak.
Narekober ng mga otoridad ang isang patalim na posibleng ginamit sa pananaksak at 2 gunting sa pinangyarihan ng krimen.
Hinala ng mga otoridad, pagnanakaw ang motibo ng mga salarin dahil sa nawawala ang cellphone at motorsiklo ng biktima.
Pinag-aaralan pa ng mga otoridad ang kuha ng CCTV sa lugar upang matukoy ang posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin.(Mark Obleada)