Advertisers
KAAGAD pinaiimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang alegasyon na ang utak ng pagpatay sa batikang radio commentator/columnist na si Percival Mabasa, mas kilala sa tawag na “Percy Lapid”, ay nasa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
“We’ll find out sino,” sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa media briefing nitong Martes. “Sa loob ng Bilibid, kung sino man ‘yan, dapat malaman natin. Ilalabas natin ‘yan.”
Ang sumukong gunman na si Joel Estorial ang nagsabi na ang nag-utos sa kanila para patayin si Lapid ay mula sa Bilibid.
“Yung kumontrata po, sir, galing po sa loob po ng Bilibid. Itinawag po sa amin,” sabi niya kay Interior Secretary Benhur Abalos sa naunang hiwalay na press conference.
Sinabi ni Estorial na anim silang naghati-hati sa P550,000 na bayad sa pagpaslang, pero hindi niya tinukoy kung sino ang nagbigay sa kanila ng utos o kung saan galing ang pera.
Pinangalanan ni Estorial ang tatlong kasamang hindi pa sumusuko o nahuhuli, habang ang dalawa pa na hindi aniya kilala ay nasa loob ng Bilibid.
Sinabi ni Remulla na kakausapin niya si Bureau of Corrections (BuCor) Director General (DG) Gerald Bantag tungkol sa bagay na ito. Ang BuCor ay attached agency ng DOJ.
“Immediately after this meeting, I will tell him to give me a report on this, if he has any knowledge already. Because what the gunman said and what the DG knows, we do not know if they are the same,” sabi ni Remulla sa reporters.
Sa isang statement pagkatapos ng DOJ briefing, sinabi ni BuCor spokesperson Gabriel Chaclag na inatasan na ng bureau ang Bilibid management na imbestigahan ang alegasyon.
“We asked the NBP superintendent to investigate ASAP this alleged connection of the gunman with an unidentified inmate and submit report within today so we could have a forthright reply to all your queries,” sabi ni Chaclag sa media.
“It is wrong in all sense that a prisoner can still be able to communicate with his cohorts to perform criminal acts outside,” sabi ni Chaclag.