Advertisers
Kasunod ng pagkakatuklas sa bagong COVID-19 Omicron XBB subvariant at XBC variant sa bansa, muling iginiit ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapabakuna at pagpapalakas pati na rin ang patuloy na pagbabantay sa banta tulad ng COVID-19.
“Huwag muna tayong magkumpyansa dahil delikado pa rin ang panahon at may mga lumilitaw pa rin na bagong variants at subvariants ng COVID-19,” sabi ni Go.
“Hangga’t maaari, magsuot pa rin tayo ng masks at sumunod sa health protocols para maiwasan ang pagkalat ng mga ito. Magtiwala din tayo sa payo ng mga eksperto at awtoridad na wala namang ibang hangarin kundi ang kapakanan ng buong sambayanan,” paalala niya.
Iniulat ng Department of Health noong Martes na 193 kaso ng XBC variant at 81 kaso ng Omicron XBB subvariant ang natukoy sa Pilipinas.
Lahat ng kumpirmadong kaso ng XBB ay nakita sa Davao Region at Western Visayas. Sa kabilang banda, ang mga kaso ng XBC ay nakita sa 11 iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.
Pitumpu sa mga na-detect na may XBB ang ganap na gumaling, habang walo ang patuloy na ginagamot nang nakahiwalay.
Kinumpirma na ang status ng natitirang tatlo. Iniulat ng DOH na walang namatay sa mga pasyente.
Samantala, 176 sa mga nahawaan ng variant ng XBC ang nakarekober, tatlo ang naka-isolate, at inaalam pa ang resulta ng mga natitirang kaso. Lima ang namatay dahil sa XBC variant.
Ang subvariant ng XBB, na inaakalang “highly immune-evasive” ay maaari pa ring makahawa sa mga taong may COVID-19 antibodies. Kasalukuyan itong nagdudulot ng pagtaas ng mga kaso sa Singapore, kahit na nabanggit na ang mga pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan ay hindi nalampasan ng subvariant.
Ang variant ng XBC na inaakalang isang recombinant ng mga variant ng Delta at BA.2, ay kasalukuyang iniimbestigahan at sinusubaybayan ng United Kingdom Health Security Agency.
Umapela si Go sa publiko na magpabakuna at magpalakas ng katawan sa lalong madaling panahon.
“Mas delikado talaga kapag hindi bakunado. Kung mahal ninyo ang inyong pamilya, magpabakuna na po kayo. Libre naman ito galing sa gobyerno. Proteksyon ninyo ito laban sa virus at susi upang malampasan ang pandemya,” apela ni Go sa mga hindi pa nabakunahan.
Hiniling ni Go ang patuloy na kooperasyon at disiplina sa mga Pilipino upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng mga bagong variant at subvariants at upang mapanatili ang landas ng bansa patungo sa pagrekober.
“Huwag po nating sayangin ang naumpisahan na natin. Disiplina muna at sumunod sa gobyerno para mahinto ang pagkalat ng mga bagong variants,” paalala ni Go.
Sa mga umuusbong na sakit na viral at iba pang banta sa kalusugan, binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng kanyang kambal na panukalang batas, ang Senate Bill Nos. 195 at 196, na magtatatag ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) at ng Virology Science and Technology Institute ng Pilipinas (VIP), ayon sa pagkakabanggit.
“Dapat po palagi tayong handa. Lagi ko pong sinasabi na dapat maging one-step ahead tayo sa kahit kailan na sakuna. Nakita naman natin ang dinulot ng COVID-19 sa ating bansa. Mas mabuti na handa tayo. Mas mabuti na makagawa tayo ng sarili nating bakuna para hindi tayo umaasa sa ibang bansa,” sabi ng senador.