Advertisers
NADAKIP sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang itinuturing na lider ng isang investment scam na “Masa Mart” habang palabas ng bansa.
Sa ulat, papalipad na sana patungong Taiwan ang suspek na si Jesse Royo, chairperson ng Masa Mart, nang arestuhin ng Criminal Investigation and Detection Group- Major Crimes Investigation Unit (CIDG-MCIU) sa NAIA Terminal 2.
Pinaghahanap ng mga awtoridad si Royo sa kasong ‘syndicated estafa’ nang itakbo niya ang milyong-milyong piso ng halos 5,000 investors na nagpasok ng pera sa Masa Mart.
Nangako raw ang suspek sa mga biktima na mapapalago niya ang pera ng mga ito sa pamamagitan ng foreign exchange trading.
Ilang complainants ang dumagsa sa opisina ng CIDG nang mahuli si Royo. Kabilang dito ang isang negosyante na natakbuhan ng aabot sa P54 milyon.
“Naibenta ko lupa ko. Pati ‘yung nasa bangko. Nag-away kaming mag-asawa kasi ‘yung mga kamag-anak niya, napasali namin. Napagbintangan kami. Nagduda sila na nasa amin ang pera,” kuwento ng biktima.
Ganito rin ang kuwento ng dalawa pang biktima na lumipad pa mula sa Cotabato City papuntang Maynila.