Advertisers
IKINUWENTO na isa sa mga preso na suspek sa pagpatay sa ‘middleman’ sa Lapid murder na si Jun Villamor sa loob ng National Bilibid Preson.
Sinabi nito na isang “alkalde” na si alyas “May-may” ang nag-utos na patayin si Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor, ang umano’y facilitator ng pagpatay kay Lapid.
Pinatay si Villamor sa pamamagitan ng suffocation gamit ang isang plastic bag na pinaglalagyan ng mga gulay.
Sa isa sa mga sinumpaang salaysay, ikinuwento ng presong si alyas “Jocon” kung paano niya pinatay at ng tatlo pang preso si Villamor bandang tanghali ng Oktubre 18, ilang oras matapos ibunyag sa publiko ng sumukong gunman na si Joel Escoliar ang middleman na si Jun Villamor.
“Huwag niyo naman akong patayin. Papatayin niyo na ba ako?”, ang mahinahong umanong tanong ni Villamor sa kanyang mga magiging mamamatay-tao nang pumunta sa kanyang kubol, ayon sa sinumpaang salaysay ni Jocon.
“Ikalma mo lang sarili mo, kosa”, sabi ng isa sa kanila.
Sa pahayag ni Jocon, siya ang humawak ng plastic bag para ma-suffocate si Villamor. Hinawakan ng tatlo niyang kasama ang mga kamay, braso at paa ng sinasabing middleman.
“Medyo matagal po, kasi gumagalaw po ang ulo ni Jun. Hindi ko na alam kung gaano katagal dahil blanko na po ako at iniisip ko lang na sana matapos na agad,” wika ni Jocon.
“First time ko din po kasing sumupot ng tao,” dagdag pa nito.
Sinabi ng preso na hindi niya tinanggihan ang utos ni May-may dahil alam niyang siya mismo ang papatayin kapag hindi siya sumunod.
Pahayag pa ni Jocon, nasaksihan niya kung paano pinatay ang ibang mga preso nang tanggihan nila ang utos ni May-may at iba pang dating alkalde.
Ang tinatawag na “alkalde” sa Bilibid ay isang bilanggo na kinikilalang pinuno ng mga preso sa isang komunidad ng mga selda.
“Kasi alam ko po na kapag tumanggi ako ay papatayin ako. May mga nasaksihan narin ako na pinatay noong tumanggi sa utos ni Mayor May-may at ng mga nagdaang mayor,” wika pa ni Jocon.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi natural na dahilan ang pagkamatay ni Villamor sa loob ng NBP.
“It’s not very easy to accept that things can go wrong that way but ganyan po ‘yun. We call a spade a spade… This is a sworn statement. We’re not talking about kwento,” aniya.
Isang preso naman mula sa Ihawig Penal colony sa Palawan ang dumating noong Miyerkules ng gabi at kinumpirma sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang partisipasyon sa pagpatay kay Percy Lapid.
Noong Huwebes, sampu sa mga preso na nasa kustodiya ng NBI ang dumaan sa polygraph test para mapalakas ang case build-up.
Binaril si Lapid ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo noong Oktubre 3 sa Las Piñas City.
Sumuko sa awtoridad ang umamin na gunman na si Joel Escorial at sinabing sa loob ng NBP nagmula ang utos na patayin ang mamamahayag.
Hunyo 20, sinabi ni Remulla, namatay ang preso na nagsilbing middleman para mapadali ang pagpatay kay Lapid.