Advertisers
SIMULA sa Nobyembre 7 ay ibabalik na ang deployment ng bagong household workers pa-Saudi Arabia.
Pero kaakibat nito ang mas mahigpit na proseso para hindi na maulit ang pang-aabuso sa mga overseas Filipino worker na siyang dahilan para suspindehin ang deployment.
Bunga ng kasunduan ng Pilipinas at Saudi Arabia noong Setyembre ang pagtanggal ng deployment suspension.
Sa ilalim ng kasunduan, dapat may insurance ang mga empleyado para sa kanilang kaligtasan oras na hindi sila bayaran ng sahod ng employer. Electronic na rin ang pagpapasahod para madaling ma-monitor.
Nangako na rin ang Saudi Arabia na magiging aktibo ito kontra sa mga kaso ng human trafficking.
Dapat ding magtalaga ng welfare officer ang mga recruitment agency ng Saudi Arabia at Pilipinas para tutukan ang mga reklamo ng mga OFW.
Magpapalitan ng blacklist ang 2 bansa para hindi na makuha ng worker ang mga tiwali at abusadong employer at ahensiya.
Higit sa lahat, kailangang pumasa sa whitelist ang mga recruitment agency na nais mag-deploy ng manggagawa sa Saudi.
“Kailangan niya ng 3 clearance. Clearance na wala siyang kaso, walang violation, walang order for repatriation,” ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia.
Dahil sa paghihigpit, hindi agad-agad na makakaalis ang mga OFW sa Lunes.
Employer at recruitment agency din dapat ang gumastos sa muling pagproseso ng mga dokumento ng worker.
Nakatakda namang dumating sa susunod na linggo ang mga kinatawan ng Saudi Arabia para pag-usapan ang unpaid claims ng mga OFW na pinauwi noong 2016.