Advertisers
HINUKAY ang mga labi ng tatlong umanoý biktima ng drug war ng nagdaang administrasyon sa pagkakalibing ng mga ito sa Bagbag Cemetery sa Novaliches, Quezon City.
Kinuha ang mga labi sa nitso at dinala sa laboratoryo ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun upang isailalim sa re-autopsy.
Ayon kay Project Hilom coordinator Randy delos Santos, una nang pinalitaw ng mga awtoridad na namatay sa natural cause ang mga ito, sa kabila na nakitaan ang mga ito ng mga tama ng bala nang i-autopsy.
Si Randy delos Santos ay tiyuhin ng pinatay na si Kian delos Santos na nasawi sa drug war ng nakaraang administrasyong Duterte.
Hindi naman mapigilan ng mga kapamilya ng mga biktima ang kanilang lungkot at pangungulila matapos i-exhume ang labi ng kanilang kaanak.
Pawang mahihirap ang mga ito at hindi na kayang bayaran ang renta para sa libing ng kanilang mahal sa buhay.
Pagkatapos ng re-autopsy, ike-cremate ang mga labi ng mga biktima at pansamantala silang iuuwi ng mga kapamilya sa kanilang mga tahanan hanggang sa magkaroon na ng mass grave ang mga ito o panibagong lugar na maaaring paglagakan ng mga abo.