Advertisers

Advertisers

Konduktor ng bus nagsukli ng kulang, sinuspinde

0 194

Advertisers

SINUSPINDE ang isang konduktor ng bus nang labis na bawasan nito ang sukli ng isang estudyante na nagbayad ng P500 sa Iloilo.

Sa ulat, sumakay ng bus ang estudyanteng si Lizavel Balbino sa Anilao, Iloilo at patungo sa bayan ng Ajuy.

Sa video na kaniyang kuha, mapapanood ang kaniyang pag-iyak habang nakikiusap na makuha niya ang sukli mula sa konduktor.



Halagang P70 lang ang pamasahe ni Balbino pero buong P500 ang iniabot niya.

Gayunman, P30 lang ang isinukli sa kaniya ng konduktor, na nagpupumilit namang P100 lang ang iniabot ni Balbino.

Hanggang sa mamagitan na ang isang pasahero, sinabing nakita niyang P500 ang inabot ni Balbino.

Pero hindi nagpatinag dito ang konduktor.

“Hindi ka sa akin nagbigay ng P500,” giit ng konduktor.



“P500 ang binigay ko kuya. May nakakita. Huwag ka magsinungaling,” sabi ni Balbino sa konduktor.

“Ikaw ang huwag magsinungaling. Dinadaan mo lang ako sa paiyak-iyak mo,” sagot sa kaniya ng konduktor.

Ayon kay Balbino, allowance niya ang ibinayad niya sa bus kaya malaki ang mawawala sa kaniya kung hindi niya makukuha ang buong sukli.

Gagamitin sana ito ni Balbino sa kaniyang thesis at OJT.

Maya-maya pa, isang pasahero ang naawa sa estudyante kaya binigyan siya ng P500.

Itinuloy ni Balbino ang reklamo sa konduktor.

Nakarating sa pamunuan ng bus ang nangyari. At sinuspinde ang konduktor habang gumugulong ang imbestigasyon.

Humingi rin ng paumanhin ang pamunuan ng bus company, na sinabing dapat umasal ang konduktor base sa natutunan niya sa seminar sa maayos na passenger handling.

Plano ng bus company na pagharapin ang estudyante at konduktor.

Hindi parin nagbibigay ng pahayag ang inirereklamong konduktor.