Advertisers
Magkakaroon ng ‘Walk of Faith’ sa Enero 2023 bilang bahagi ng kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Sinabi ni Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez sa Radio Veritas na bagamat ipagpaliban ang nakagawiang prusisyon ng Poong Nazareno, isasagawa naman ang Walk of Faith sa January 8, 2023 o isang araw bago ang kapistahan ng Poong Nazareno.
Ayon sa pari, magsisimula sa pamamagitan ng Banal na Misa 12:00 ng hatinggabi ng Enero 8 sa Quirino Grandstand na agad susundan ng Walk of Faith.
Kasalukuyang isinasapinal ang rutang dadaanan mula grandstand patungong Quiapo Church.
Gayunpaman, paalala ni Fr. Valdez sa mga debotong lalahok sa Walk of Faith na magdala ng kandila at mahigpit na sundin ang ipatutupad na alintuntunin at protocols para mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mananampalataya.
Napagkasunduan din ng Basilica at lokal na pamahalaan ng Maynila ang mahigpit na pagpatupad ng pagsusuot ng facemask ng bawat dadalo.
Ito na ang ikatlong taon na ipagpaliban ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ang COVID- 19.
Bagama’t suspendido ang Traslacion, unti unting ibabalik ng Quiapo Church ang ilan sa mga gawain tuwing kapistahan tulad ng pagsasagawa ng Banal na Misa sa Quirino Grandstand kung saan nakatanghal ang replica image ng poon para sa ‘Pagbibigay Pugay’ sa halip na pahalik.
Gayundin ang tuloy-tuloy na Fiesta masses mula sa hapon ng January 8 hanggang sa gabi ng January 9 o kabuuang 34 na misa ang ilalaan ng Basilica para sa Traslacion 2023.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misa Mayor sa alas dose ng hatinggabi ng January 9 sa Quirino Grandstand.(Jocelyn Domenden)