Advertisers
KAPWA nagbanatan sina Senators Raffy Tulfo at Cynthia Villar kaugnay sa conversion ng mga agricultural lands na ginawang residential at commercial areas.
Inungkat ni Tulfo ang naturang isyu sa plenary deliberations sa 2023 budget ng Department of Agriculture (DA) kung saan si Villar, ang sponsor at nagdedepensa ng nabanggit na pondo, Miyerkules ng gabi.
“Lumiliit nang lumiliit po ang ating farmlands. Binibili po ng malalaking developer at ginagawang commercial at residential land. Ano pong ginagawa ng DA tungkol dito?” tanong ni Tulfo.
Ipinaliwanag naman ni Villar, chairman ng Senate committee on agriculture na hindi bumibili ang kanilang pamilya ng agricultural lands bilang mga ari-arian at gagawing residential areas dahil mahihirapan ang kanilang mga buyer na muling ibenta ang mga naturang bahay sa hinaharap.
Nabatid na kabilang sa negosyo ng pamilya Villar ang Vista Land and Lifescapes Inc. bilang property developer sa real estate at retail industries.
“Alam ninyo, that’s our business. I want to tell you that we don’t buy agricultural lands in the provinces. Nobody will buy in agricultural lands. We only buy in cities and capital towns,” punto ni Villar.
“Because the buyer of houses, they want also an opportunity that if they’re having financial problems, they can resell their houses and you know, it’s very hard to sell houses [if it’s] not in cities or capital towns. So we limit ourselves in cities and capital towns,” patuloy pa ng senadora.
Kaugnay nito, inihalimbawa ni Tulfo ang Cauayan, Isabela kung saan mayroon siyang ebidensya na ginawang subdivision ang mga bukirin sa nasabing lugar.
Ito umano ang kanyang dahilan kung bakit nais niyang isulong ang pagsasabatas ng National Land Use Act ayon pa kay Tulfo.
Sinagot naman ni Villar na ang Cauayan, Isabela ay isang lungsod kung saan maaaring i-invest ang mga lupain sa real estate para tumaas ang halaga nito.
“They allow conversion in cities and capital towns because if they buy your land, they buy it expensive and you can reinvest the money and you will make more money than planting on those lands,” paliwanag ni Villar.
“It’s an investment decision for these people. If somebody will buy your land at a bigger amount, maybe, you can sell it and buy another land that is cheaper somewhere else and build your farm there. You have to understand agriculture as a business also,” depensa pa ng senadora.
Gayunman, nais ni Tulfo na bigyan siya ng DA ng mga detalye kung paano nila planong tugunan ang naturang “masamang sistema” dahil ito ay nangyayari hindi lamang sa Isabela kundi maging sa ibang mga probinsya.
“Sorry po, madam ha. Hindi lang po sa Cauayan sa Isabela kundi sa marami pong probinsya na marami na pong subdivision na nagsilipana,” pahayag ni Tulfo.
Kasabay ng pagtatanong pa ni Tulfo sa magiging aksyon ng DA kaugnay nito, pinutol siya ni Villar sa tanong na:
“Eh where will the people live if you don’t build subdivisions?”
“Marami pong mga lugar na pwedeng pagtayuan ng subdivision. ‘Wag lang po i-takeover ang mga farms. Kung minsan ‘yung mga farmers dahil sila ay naghihikahos, they are taken advantage of,” sagot naman ni Tulfo.
Bunsod nito, nagpatulpy ang debate sa pagitan ng dalawang senador na nag-udyok kay Senate President Juan Miguel Zubiri na suspindihin ang sesyon upang maging mapayapa ang sitwasyon.
Sa pagpapatuloy ng sesyon, humingi ng paumanhin si Tulfo dahil sa mainit na debate ngunit sinabi ni Zubiri na sinuspinde lamang niya ang mga deliberasyon upang paalalahanan ang kanyang mga kasamahan na humarap sa presiding officer upang maiwasan ang maaanghang na palitan ng salita.
Tinapos ni Tulfo ang kanyang interpellation at nagpahayag na magde-deliver na lamang siya ng kanyang privilege speech hinggil sa National Land Use Act. (Mylene Alfonso)