Advertisers
PINAG-AARALAN na ng Department of Justice (DOJ) ang mga posibleng kaso na isasampa kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag kaugnay sa isinagawang paghuhukay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na inatasan na niya ang kanyang mga staff na pag-aralan ang mga ikakaso kay Bantag.
Aniya, nagdulot ng danyos sa panig ng gobyerno ang ginawang malalim na hukay dahil bago ito maibalik sa dati ay kailangang gumastos ang gobyerno.
Aalamin din umano nila kung saan napunta ang mga lupa na inalis upang makapaghukay.
Bukod dito, nakita rin ang ilang mga kabayo at manok na panabong sa loob ng Bilibid compound.
Una ng sinabi ni Bantag na ang hukay ay para sa scuba diving dahil siya ay isang master scuba diver.
Subalit ayon kay Remulla, sinabi mismo ni Bantag sa kanya noong Agosto na ang hukay ay para sa treasure hunting ng nawawalang Yamashita treasure.
Magugunitang si Bantag ay kinasuhan ng murder kaugnay sa pagkamatay ng brodkaster na si Percy Lapid at middleman na si Jun Villamor. (Jonah Mallari)