Advertisers
MAHIGPIT na nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mag-ingat sa sirkulasyon ng pekeng pera maging ang iba’t ibang modus ngayong holiday season.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, tuwing sasapit naman ang Pasko at Bagong Taon ay nagkalat na ang iba’t ibang modus ng mga masasama ang loob.
Kabilang daw sa mga dapat bantayan ngayong holiday season ng publiko ang crimes against property gaya ng pagnanakaw at panloloko o panlilinlang na tumataas ang kaso kapag ganitong mga panahon.
Pinayuhan din ni Fajardo ang ating mga kababayan na mag-ingat sa mga transaksiyon kapag namimili sa mga palengke, sa mga mall, lalong-lalo na’t sa ganitong panahon ay marami ang mga balikbayan na uuwi sa Pilipinas at may bitbit na mga remittance.
Dahil dito, dapat ay magpapalit lamang daw ang ating mga kababayan sa kanilang pinaghirapang pera sa mga authorized money changer.
At dahil papalapit na ang Christmas Day, hinikayat din nito ang publiko na bumili na ng mga regalo at suplay nang mas maaga para maiwasan ang holiday shopping rush.
Pinayuhan din ng opisyal ang mga magsa-shopping na bumili lamang sa mga legitimate sellers at kahit na sa mga online shops.
Una rito, pinayuhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na isagawa ang “Feel-Look-Tilt” method para ma-check ang security features ng New Generation Currency (NGC) banknotes.