Advertisers
ARESTADO ang isang babae sa pagbebenta ng iligal na organ enhancement cream, na nakapeligro sa maselang bahagi ng katawan ng lalaking bumili ng produkto.
Kinilala ang babae na si Ellen Joy Reyes.
Sa report, inaresto si Reyes nang tangapin ang bayad sa undercover agent ng National Bureau of Investigation – Intellectual Property Rights Division (IPRD).
Nabawi kay Reyes ang marked money at iligal na item na ibinibenta niya.
Sinabi ng NBI na bahagi si Reyes ng grupong nagbebenta online ng hindi rehistradong male enhancement cream para sa kalalakihan sa halagang P600.
“May dumulog na complainant dito sa opisina namin, nagrereklamo na itong nabili niyang male enhancement cream is may adverse effects sa kaniya. Noong vinerify natin ito sa FDA, lumalabas na hindi rehistrado itong produktong ito,” sabi ni Agent John Ignacio, Executive Officer ng NBI IPRD.
Nakakapagbenta ang grupo ng 20 piraso kada araw sa mga kliyente nila sa Metro Manila at kalapit-probinsya.
Nahaharap si Reyes sa reklamong paglabag sa FDA Act.