Advertisers
BINALAAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na hindi sumusunod anti-red tape policy ni Pangulong Duterte na huwag hamunin ang Chief Executive kung ayaw nilang sila ay mapahiya, makasuhan hanggang sa masibak sa puwesto.
“Do not test this administration because we will see to it that you will be held accountable. Hihiyain talaga kayo ni Presidente,” ayon kay Sen. Go ukol sa mga “nagpapatulog” ng dokumentong inilalakad sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang panukalang anti-red tape measure na layong bigyan ang Pangulo ng Pilipinas ng kapangyarihang gawing simple ang proseso sa burukrasya sa panahong may national emergency upang mapadali ang pagnenegosyo at mapalakas din ang paglaban sa katiwalian.
Sa public hearing ng Senate committee on civil service, kasama ang committee on justice, sinuportahan ni Go ang Senate Bill No. 1844 na naglalayong isuspinde ang mga rekisitos sa national at local permits, licenses at certifications at bawasan o pabilisin ang pagpoproseso ng mga kahalintulad nito.
“‘Yung three days to one week lang dapat – dapat po ay three days to one week lang po, ‘yun ang gusto niya mangyari. Kasi minsan inaabot ng ilang taon, ilang buwan,” ani Go.
“’Yung pinapatulog po ‘yung mga papeles. […] That means there is inefficiency at best and corruption at worst,” dagdag ng senador.
Kaya naman binalaan ni Go ang mga opisyal na sundin ang government’s anti-red tape policy dahil mananagot sila sa Pangulo.
“At hindi lang po hihiyain, yayariin po namin kayo. Kung paano yayariin, bahala na kayong umintindi,” ani Go.
“Suportado ko po ang sinabi ng Pangulo na kailangan natin ayusin ang burukrasya sa gobyerno hindi lamang upang i-improve ang ease of doing business sa bansa, kundi para labanan ang korapsyon sa gobyerno. Mas lalo itong kailangan ngayon to facilitate our economic recovery in this time of pandemic,” ayon sa senador.
Sa kanyang Talk to the People address noong Lunes, sinabi ni Duterte na ang nabubulok na burukrasya sa state insurer PhilHealth ang sanhi ng korapsyon sa ahensya kaya nangako siyang gagawa ng radikal na hakbang para malutas ito.
“I am ready to appear there in Congress and discuss with them… discuss how we can cut corruption, simplify the ease of doing business,” ani Duterte.
Sinuportahan din ni Go ang panawagan ni Duterte na muling irebyu ang mga batas at implementing rules and regulations.
“Kung kailangan lagyan ng ngipin para sundin, gawin natin. Kung kinakailangan, mas palawakin at paigtingin ang parusa sa mga lumalabag sa batas. Iisa lang naman ang layunin natin dito: ang maisaayos ang burukrasya at mapaganda ang serbisyo sa tao,” ani Go.
“Totoo po ‘yun, na willing daw po siyang ma-summon sa Senado, sabi nga ni SP, ‘wag naman daw summon, but to be invited as one of the resource persons. Willing po ang ating Pangulo na imbitahan po siya sa Kongreso para makapagsalita gaano kalalim ang korapsyon sa ating bansa,” aniya pa.
Hinimok niya ang publiko na kung may makitang mga mali ay isumbong at huwag palagpasin ang mga nanlalamang.
“Kung may nananamantala at nanloloko, i-reklamo po ninyo para mapanagot natin. Magtulungan po tayo,” ayon sa senador. (PFT Team)