Advertisers
Sinabi ni Marikina 2nd district Rep. Stella Quimbo kamakailan na may kapangyarihan ang Philippine Competition Commission (PCC) na imbistigahan ang Grab Philippines dahil umano sa “abuse of dominance.”
Ito ay matapos kumpirmahin ng PCC sa isang congressional inquiry na patuloy na nag-overcharge ang Grab sa kanilang mga customers sa kabila ng commitment nito noong 2018 na hindi sila mag-overcharge.
Sa isang panayam sa radyo noong nakaraang linggo, sinabi ni Quimbo, na dating chair din ng PCC, na ayon sa batas, ang PCC ay may kapangyarihan imbestigahan ang Grab “for abuse of dominance given its substantial market share in the TNVS industry.”
“If you own at least 50 percent of the market shares, kunwari 51 percent, ikaw ay considered dominant. Ngayon, kung yung pagka dominante mo, pagka dambuhala mo na kumpanya ay nagamit mo para ang ending ay overcharging, pwedeng pumasok ang PCC para imbestigahan,” paliwanag ni Quimbo.
Ayon sa Marikina lawmaker ang kumpanyang napatunayang guilty of abuse of dominance ay maaring magkaroon ng stiff monetary penalties na maaring umabot ng daan-daang milyones.
Maliban dito, sinabi pa ni Quimbo mayroon awtoridad ang PCC “over mergers and acquisitions.”
Isa na dito ang maaring pag-oppose PCC ng sa merger ng dalawang kompanya kung mapatunayan nito na ang pagsanib ay maaring magresulta sa overcharging.
“Yung mabigat na power ng PCC, pwede nilang sabihin, ‘Magbreak na kayo. Ipinagbabawal namin ang kasal ninyo.’ Pwede nilang gawin yun,” ayon kay Quimbo.
Noong Agusto, inanunsyo ng Grab publicly na na-acquire na nito ang Move It business operations.
Ang Move It ay isang motorcycle-taxi hailing app, at isa sa tatlong kumpanya na nabigyan ng pagkakataon na maisama sa government’s motorcycle taxi pilot program.
Maraming transport at consumer groups ang umalma sa Grab-Move It merger dahil umano ang Grab ay sinusubukang maniobrahin ang patakaran at regulasyon ng gobyerno para maka pasok sa industrya ng motorcycle taxi.
Nangangamba ang mga grupo na ang pagsanib ng Grab-Move It ay mag-resulta sa overpricing at overcharging sa motorcycle taxi industry. Umayon naman ito sa mga sinabi rin ni Quimbo.
Sinabi ng dating PCC chair na siya rin ay nangangamba “that the sale of Move It to Grab has the potential to end up like the 2018 acquisition of Uber by Grab, which resulted in the latter dominating the TNVS industry and in effect, has raised fare prices.”
Nanawagan si Quimbo sa PCC na paigtingin pa lalo nito ang pagmo-monitor sa “Grab’s potential dominance in the motorcycle taxi industry.”
“Since nagkaroon ng ganung karanasan with respect to Grab sa TNVS, ang sinasabi ko baka naman magkaroon din ng ganyang ganap dito naman sa motorcycle taxi considering may potential sila to become dominant. Yun ang sinasabi ko na dapat pag aralan ng PCC kasi sa ganitong sitwasyon, ang PCC talaga ang merong jurisdiction. Sila ang makakapag sabi kung magkakaroon nga ng problema. Sila ang nag a-assess nyan and in the end sila ang dapat mag step in. Meron silang powers under the law na sabihin, ‘Grab, Move It dapat maghiwalay muna kayo’ kasi magiging problema kayo in the future,” paliwanag ni Quimbo.