Mayor Honey, namahagi ng maagang Noche Buena sa 695K pamilya sa Maynila
Advertisers
MAAGANG dumating ang Kapaskuhan sa Maynila nang pangunahan at iutos ni Mayor Honey Lacuna ang mabilisang pamamahagi ng Christmas food boxes na naglalaman ng Noche Buena items sa lahat ng 695,000 na pamilya sa Maynila nitong Huwebes, December 1.
Sinamahan si Lacuna ni Vice Mayor Yul Servo-Nieto sa pormal na pagsisimula ng Christmas gift-giving ng lungsod kung saan personal na namahagi ng food boxes sa residente ng Barangay 128 in Tondo, isang araw matapos na magsagawa ng inspeksyon sa mga nakakamadang Christmas boxes sa San Andres Sports Complex, Malate, Manila.
Maliban pa sa mga food boxes na nakalaan sa lahat ng pamilya sa Maynila, mayroon din special gift packs na inihanda para sa mga senior citizens na nasa 160,000 ang kabuuang bilang.
Ayon kay Lacuna, lahat ng pamilya , mayaman man, middle-income o mahirap ay tatanggap ng food boxes kung saan ay sinigurado niyang walang pamilyang matutulog sa Pasko na walang laman ang tiyan at paniguradong masisiyahan dahil may pagsasaluhan sa tradisyunal na Noche Buena.
Nabatid sa spokesperson ng alkalde na si Atty. Princess Abante, na ang bawat isang Christmas food boxes ay naglalaman ng rice, corned beef, spaghetti noodles at sauce, cheese, milk at fruit cocktail.
Inatasan ni Lacuna ang tanggapan nina City Engineer Armand Andres, social welfare department chief Re Fugoso, Manila Traffic and Parking Bureau head Zenaida Viaje at department of public services chief Kayle Nicole Amurao na siyang mamahala sa distribusyon ng nasabing food boxes sa may 896 barangays sa Maynila.
Kaugnay nito ay umapela ang lady mayor sa lahat ng opisyal ng barangay na tiyaking maipamahagi agad sa mga pamilya na kanilang nasasakupan ang Christmas food boxes sakaling matanggap na ito ng kani-kanilang barangay.
“Ating inatasan ang mga kaukulang departamento upang agarang maihatid itong simpleng Pamaskong handog namin sa bawat pamilyang Manilenyo,” sabi ni Lacuna.
Ayon pa sa alkalde ay inaasahan niya na ang mga Christmas food boxes ay makakarating maging sa pinaka-depressed na bahagi ng lungsod upang tiyakin na may pagkain nakahain sa kanilang hapag pagsapit ng Bisperas ng Pasko at mismong Araw ng Pasko.
Ayon naman kay Fugoso, ang gift-giving activity ay isang simpleng paraan ng pamahalaang lungsod na tiyaking may handa ang mga walang kakayahang bumili upang may pagsaluhan ngayon panahon ng Kapaskuhan.
“Gusto namin na ang buong ka-Maynilaan, maramdaman naman ang sirit ng Christmas. Kahit paano, sa Kapaskuhan, mayroon kayong pagsasaluhan ng inyong mga kaanak…pagdamutan n’yo ang aming munting regalo..Merry Christmas and a Happy ‘Yul’ year,” pahayag ni Lacuna sa mga Tondo recipients. (ANDI GARCIA)