Advertisers
‘GUILTY’ ang naging hatol ng Sandiganbayan laban sa komedyanteng aktor, Roderick Paulate, sa isang count ng ‘graft’ at 9 counts ‘falsification of public documents’ kaugnay sa hiring ng ghost employees noong 2010 sa kanyang unang termino bilang konsehal ng Quezon City.
Maaalala na matapos siyang manalo sa halalan noong 2010 bilang konsehal ng District 2 ng lungsod, si Paulate ay tinanggal sa opis nang mabunyag ang pagkakaroon niya ng ghost employees mula July hanggang November ng naturang taon.
Ang kaso laban kay Paulate ay opisyal na isinampa ng Office of the Ombudsman noong 2018, kungsaan sinabing ang actor-politician ay peneke ang Job Order/Contract of Service, kabilang ang mga pirma ng fictitious contractors para obligahin ang city government na maglaan ng pondo sa mga suweldo nito.
Ang kabuuang sentensiya kay Paulate ay nasa pagitan mula 10 at kalahating taon hanggang 62 taon na paglabilanggo – 6 hanggang 8 anyos sa graft habang 6 buwan hanggang 6 anyos sa bawat bilang sa falsification offense.
Maliban sa kulong, si Paulate ay pinagbababayad din ng P10,000 s abawat count ng falsification offense, na may kabuuang P90,000, at ‘perpetually disqualified’ na siya sa public office.
Kabilang din sa convicted ang driver at liaison officer ni Paulate na si Vicente Bajamunde, na acquitted sa falsification charges.
Sina Paulate at Bajamunde ay kapwa inatasang bayaran ang gobyerno ng P1.109 million (may 6% interest per annum hanggang full payment). Ito ang halaga ng public funds na nakolekta ng dalawa mula sa City Treasurer’s Office na para raw sa suweldo ng kanilang empleyado. (BOY CELARIO)