Advertisers
HINOLDAP ng security guard ang isang botika sa kanto ng Banawe Street at E. Rodriguez Sr. Avenue sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Kinilala ni Quezon City Police District director Brigadier General Nicolas Torre III ang sekyu na si Eric Mercado, panggabing bantay sa botika na isang buwan palang nagtatrabaho sa establisiyemento.
“Mga 7 o’clock ng umaga naka-receive tayo ng report na nilooban itong [botika] at ang holdaper supposedly ay ikinulong ang dalawang empleyado na magbubukas ng branch na ito,” sabi ni Torres.
Dagdag pa ni Torres, pinutol ni Mercado ang suplay ng kuryente sa botika at inabangan ang pagdating ng dalawang empleyado.
Tinangay ni Mercado ang hindi pa natutukoy na halaga ng pera.
Sa simula ng kaniyang shift, nagpaalam daw ang sekyu na umuwi ng maaga pero sinabihan siya na hintayin na lamang ang kaniyang karelyebo. Namatayan din daw ito ng asawa kamakailan.
Ayon sa QCPD public information office, agad nahuli si Mercado.