Advertisers
INANUNSYO ng Commission on Elections (COMELEC) na apat na indibiduwal ang nag-file ng certificate of candidacy (COC) para sa gagawing special election sa 7th Congressional District ng Cavite.
Pag-aagawan nila ang binakanteng posisyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang kinatawan ng 7th District ng Cavite.
Ayon kay Comelec spokesman, Rex Laudiangco, naghain ng COC mula Disyembre 5 hanggang Disyembre 6 sina Jose Angelito Domingo Aguinaldo (independent), Melencio Loyola De Sagun, Jr. (independent), Crispin Diego Diaz Remulla, anak ni Justice Secretary “Boying” Remulla (National Unity Party), at Michael Angelo Bautista Santos (independent).
Sinabi ni Laudiangco na lahat ng rehistradong botante mula sa munisipalidad ng Amadeo, Indang at Tanza, at lungsod ng Trece Martires ay kasali sa gaganaping eleksyon.
Ayon kay Laudiangco, gagawin ang voting, counting at canvassing sa pamamagitan ng automated elections system gamit ang vote-counting machine (VCM) at ang consolidation and canvassing system (CCS).
Sinabi pa ni Laudiangco na sinuspinde rin ang voters registration sa 7th District ng Cavite mula Nobyembre 25, 2022 hanggang Pebrero 24, 2023.
Ang special elections sa 7th Congressional District ng Cavite ay gaganapin sa Pebrero 25, 2023.
Nabakante ang kongresista sa 7th district nang italagang DoJ Sec. si Boying ni Pangulong “Bongbong” Marcos.