Advertisers
SA halip na patawan nang paglabag sa City Ordinance ay mas nadagdagan pa ang kaso ng dalawang hinihinalang miyembro ng ‘Gagamba Boys’ makaraang mahulihan sila ng dalawang sachet ng shabu na ibibenta sana nila sa kanilang parokyano, di kalayuan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay.
Kinilala ni PLT Nerlyn Flor Q Maquiraya, OIC ng Pasay City Police Sub-Station 8 ( Airport ) ang dalawang suspek na sina Teodoro Ramirez Jr. ,38 anyos, binata,barker at residente ng 234 1st Street, Pildera 2, Bgy. 194, Pasay City at Arjay Onate,45,binata, barker at residente ng 316 Road 7, Pildera 2, Bgy. 194, Pasay City.
Ayon kay Patrolman Jackson Obando, ang insidente ay naganap alas-8:30 ng gabi habang ang dalawang suspek ay naghihintay ng ilang pampublikong sasakyan na dumadaan sa kahabaan ng Ninoy Aquino avenue kung saan sila nagtratrabaho bilang mga barker.
Habang nagpapatrulya ang mga awtoridad sa isang madilim na bahagi ng fly-over ay naispatan nila ang dalawang lalaki na nag-aabang ng mga sasakyan sa nasabing lugar. Nang makita nila ang mga paparating na pulis ay agad na nagtakbuhan ang dalawa dahilan ng mahabang habulan hanggang sa masakote.
HIndi inaasahan ng mga pulis na bukod sa pagiging ‘gagamba boys’ at barker ng dalawang suspek ay responsable din umano sila sa pagtutulak ng iligal na droga. Ang gagamba boys ay isang grupo na biglang sumasampa sa ilang sasakyan kapag nasa kalagitnaan ng trapiko at sapilitang nanghihingi ng pera sa mga pasahero.
Bukod dito, ipinagbabawal din sa lungsod ng Pasay sa bisa ng ordinansa ang tumawag ng mga commuters sa mga pampublikong sasakyan, kapalit nito ang parusang community service.
Sa kabila nito,mananatili namang mapagmatyag ang katuwang na grupo ng pulisya na Patrol Police Task Force Multiplier Anti Crime (PPTFMAC) sa pamumuno ni Eva ‘Crimebuster’ Tulagan , na sugpuin ang masasamang elemento na gumagala ngayong kapaskuhan sa paligid ng airport complex. (JOJO SADIWA)