Advertisers
NAKATAKDANG ipatawag ng Kamara ang mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) sa pagbalik regular session ng mga mambabatas sa bansa.
Tiniyak ito ni Misamis Occidental 2nd District Rep. Sancho Fernando ‘Ando’ Oaminal upang kunan ng paliwanag ang nasabing mga ahensiya kung bakit kulang ang ibinigay na abiso ukol sa naranasan na shearline sa rehiyon ng Mindanao simula pa noong nakaraang linggo.
Ginawa ito na pahayag ng kongresista dahil sa laki ng pinsala na idinulot sa kanilang probinsya na sanhi rin para malagay sa state of calamity.
Ayon kay Oaminal, nagkasundo na sila ni Misamis Oriental 1st District Cong. Jason Almonte upang sabay na maghain ng hakbang para isagawa ang imbestigasyon kung saan nagkulang ang nabanggit na mga ahensiya.
Matatandaang hindi inaasahan ang malawakang pagbaha sa probinsya kung saan nasa siyam katao na ang nasawi habang tatlo ang missing at libu-libong pamilya ang nailikas sa mga ligtas na lugar dahil sa ilang araw na mga pag-ulan.