Advertisers

Advertisers

Ipasa ang 2021 budget kahit may sigalot sa Speakership — Sen. Go

0 298

Advertisers

IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso na ipasa sa tamang panahon ang 2021 national budget sa kabila ng sigalot sa House Speakership, lalo ngayong may coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng pagbubukas ng ika-85 Malasakit Center sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City nitong Biyernes.

“Kung sinuman ang magiging speaker, pakiusap lang po, dapat pumasa ang budget, ‘wag n’yo pong ipasa sa tao ang burden na magkaroon na naman tayo ng reenacted budget,” ani Go.



“Kapag magkaroon tayong reenacted budget ngayong 2021, alam n’yo ang magsa-suffer ang mga Pilipino. Tandaan n’yo po ito, kapag hindi po naipasa ang budget, may COVID po tayo ngayon, at wala tayong budget sa 2021, magsa-suffer ang mga Pilipino, so challenge ko ‘yan kung sinuman ang Speaker,” dagdag niya.

Sinabi ng senador na bilyong piso ang mawawala kapag reenacted budget ang inimplementa.

Aniya, kinakailangang maipasa ang panukalang 2021 budget sa Disyembre ng kasalukuyang taon.

“Dapat po by December, may budget na tayo at para po mapirmahan ng Presidente. At pagtuntong ng January 1, meron na tayong budget,” sabi ni Go.

“Paano po pag wala ‘yung tulong para sa mga Pilipino? Paano sila? ‘Yung tulong ng mga agencies, tulong sa medical ng mga Pilipino, sa mga frontliners natin? Bakit hayaan natin silang magsa-suffer dahil di po magkaintindihan kung sino ang maging Speaker?” aniya.



Sinabi ng senador na ayaw niyang magkomento hinggil sa nangyayaring sigalot sa Kamara sa pagsasabing karapatan ng bawat kongresista kung sino ang pipiliin nilang Speaker.

“Ayaw naming makialam sa pulitika dyan pero challenge ko lang po sa inyo, pakiusap lang po, alang-alang sa mamamayan, ipasa natin ang budget on time. ‘Wag nating ipasa sa kanila ang burden sa hindi pagkakaintindihan sa speakership. Pakiusap lang po,” anang senador.

Ang panukalang 2021 national budget ay kasalukuyang tinatalakay at ito ay 9.9 na mataas sa 2020 budget. Nakapokus ito sa lalo pang pagpapabuti ng healthcare system at pagtiyak sa seguridad sa trabaho at pagkain ng bawat Filipino. (PFT Team)