Advertisers
LIBU-LIBONG deboto ang nagtungo nitong Linggo sa Quiapo Church at sumama sa “Walk of Faith” na bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.
Batay sa inilabas na datus ng Quiapo Church Command Post, 6:00 ng umaga palang ay pumapalo na sa 88,000 ang kabuuang bilang ng mga debotong nakiisa sa prosesyon.
Habang tinatayang nasa 39,119 ang kabuuang bilang ng mga deboto sa Quiapo Church, at nasa 47,970 ang mga nagtungo sa Quirino Grandstand.
Nagsimula ang prosesyon sa Quirino Grandstand sa Luneta Park 1:30 ng umaga, at nagtapos sa Basilica ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Paliwanag ng pamunuan ng nasabing simbahan, sa halip na isagawa ang tradisyunal na Traslacion, tanging sa Walk of Faith lamang ang idaraos sa taong ito bilang pag-iingat narin sa banta ng COVID-19 pandemic.
Samantala, sa panig ng seguridad, sinabi ni Police Captain Rowell Robles, ang commander sa Plaza Miranda, na patuloy ang kanilang pagpapatupad ng seguridad sa lugar bagay na maayos na nasunod aniya ng mga deboto na nagbigay-daan para sa isang ligtas at mapayapang pagdaraos ng Walk of Faith.
Sinimulan ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong taon mula pa Disyembre 31, 2022 na tatagal hanggang Enero 9, 2023 kung kailan isang misa ang isasagawa sa ganap na 12:01 ng madaling araw sa pangunguna ni Cardinal Jose Advincula.