Advertisers
NASAWI ang apat na miyembro ng isang pamilya nang bumangga ang motorsiklo sa isang truck sa Caibiran, Biliran, Linggo ng gabi.
Sa report ng Caibiran Municipal Police, minamaneho ng padre de pamilya na si Jimmy Agosto ang motorsiklo kasama ang asawa at dalawang anak nang masalpok ito ng kasalubong na canter truck sa Sitio Taloto, Barangay Maurang, 6:20 ng gabi.
Nabatid na nag-overtake sa isa ring motorsiklo ang truck kaya nasakop nito ang linya ng motorsiklo ng mag-anak at nasalpok.
Sa lakas ng pagkabangga, nagsipagtilapunan mula sa motorsiklo ang mga biktima.
Isinugod pa sa ospital ang mga biktima subali’t lahat ay idineklarang dead-on-arrival.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kasong isasampa laban sa driver ng nakabanggang truck.