Advertisers
NASAMSAM sa magkahiwalay na operasyon ng Police Regional Office (PRO 4A) sa Calabarzon ang humigit sa P4.6 milyon halaga ng shabu, at nasakote ang tatlong “tulak” kabilang ang isang high value individual (HVI) nitong Linggo, Enero 8, 2023.
Sa ulat ng Quezon Police Provincial Office (QPPO), nalaglag sa kamay ng pinagsanib na puwersa ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA 4A), at ng Lucena City Police Station sa buy-bust operation sa Barangay Dalahican, Lucena City ang isang HVI na si Lemuel Mellomida alias “Dos”, 39 anyos, ng Purok Agawin, Barangay Ibabang Dupay.
Nakuha sa posisyon ni Mellomida ang tatlong (3) plastic sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P1,938,000.00), isang Yamaha motorcycle, isang STI Tactical caliber .45 pistol at buy-bust money.
Nadakip naman ng mga elemento ng Kawit Municipal Police Station sa hot pursuit operation sa Barangay Navarro, General Trias City, Cavite ang magkasintahang drug suspects na sina Lovely Luayon, 22, at Aljon Tongol, 31, kapwa residente ng Brgy. Navarro.
Nasamsam sa magkasintahan ang 44 plastic sachets ng shabu na nasa 393.95 grams na nagkakahalaga P2,678,860.000, 7 mobile phones, isang stainless caliber 45 magazine, drug paraphernalias at ang ginamit na boodle marked money. (Koi Laura)