Advertisers
ARESTADO sa entrapment operation ng pulisya ang isang guro na sangkot umano sa illegal na transaksyon.
Sa report ni Lt. Colonel Julius Alvaro kay PNP Bulacan Provincial Director, Colonel Relly Arnedo, kinilala ang nadakip na sina Melanie Pastrana alyas Lanie, 49 anyos, titser, ng Barangay Malipampang, San Ildefonso, Bulacan; at kapatid nito na si Christopher Verdillo, 46, driver, ng Purok 2 Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan.
Kinilala naman ang biktima na si Jose Terry Dela Cruz, 51, isang technician, ng 1033 Gaspar Lajom St., Sto. Cristo, Baliwag, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Patrolman John Phillip Tangcangco Fenequito, 5:15 ng hapon nang isagawa ang entrapment sa isang fastfood chain sa Brgy, Bagong Nayon.
Ayon sa biktima, muling humingi ng karagdagan na P500K si Pastrana na gagamitin umano upang mapadali ang transfer ng titulo ng lupa.
Nabatid na una nang nagbigay ang biktima ng P503,000.00 sa suspek nitong nakaraang taon, nagbigay din resibo mula sa isang bangko at BIR na sinasabing peke.
Subali’t nang biripikahin ng biktima sa mga nabangit na tanggapan, walang rekord o walang transaksyong naganap sa pagitan ng suspek, bagay na pinagdudahan ito ni Dela Cruz.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang cellphone at boodle money.
Kasong Swindling/Estafa, Robbery Extortion, at Falsification of Public Documents ang isinampa sa magkapatid.(Thony Arcenal)