Advertisers
PINATAWAN ng Sandiganbayan ang dating Leyte congressman na si Eduardo Veloso ng hanggang 56 taon pagkakakulong kaugnay ng paglilipat nito ng P24.2 milyon mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa isang non-government organization noong 2007.
Sa 52-pahinang desisyon na ipinahayag nitong Enero 9,2023, napatunayang “guilty” ng Sandiganbayan First Division sina Veloso at dating Technology Resource Center (TRC) legislative liaison officer Rosalinda Lacsamana sa 2 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at 2 counts malversation sa ilalim ng Revised Penal Code.
Sina Veloso at Lacsamana ay hinatulan ng pinakamababang pagkakakulong ng 6 taon at 1 buwan hanggang sa maximum na pagkakakulong ng 10 taon para sa bawat bilang ng graft, na may kabuuang 20 taon.
Bunsod dito, kapwa disqualified din ang mga ito na humawak ng public office.
Nabatid na sa bawat bilang ng malversation, hinatulan ng Sandiganbayan sina Veloso at Lacsamana ng minimum na pagkakakulong ng 12 taon at 1 araw at maximum na pagkakakulong ng hanggang 18 taon, 8 buwan, at 1 araw.
Ipinag-utos din ng Anti-Graft Court na magbayad ang dalawa ng multang P24.2 milyon.
Pinawalang-sala naman ng korte ang mga dating opisyal ng TRC na sina Dennis Cunanan, Francisco Figura, at Marivic Jover dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang kanilang kasalanan nang walang makatwirang pagdududa. Pero may civil liavility ang mga ito sa kaso.
Nag-ugat ang kaso sa paglipat ni Veloso ng kabuuang P24.2 milyon sa TRC bilang implementing agency at Aaron Foundation Philippines bilang NGO partner nito para sa livelihood at development projects sa ikatlong distrito ng Leyte.
Nabatid sa korte, napatunayan ng prosecution na ang P24.2 milyon ay nanatiling unliquidated habang walang ibinigay na testimonya o dokumento na nagpapakitang nagamit ang pondo.
Dagdag pa, sinabi nito na napatunayan na nagbigay ng unwarranted benefits at advantage si Veloso nang piliin niya ang AARON na maging NGO partner nito.
“Accused Veloso claimed that he does not personally know anyone connected with AARON, and that he heard of AARON from his colleagues in Congress. The Court finds such claim dubious.
During cross-examination, he failed to mention the names of the supposed congressmen who guaranteed AARON’s track record,” sabi pa ng Korte.
Samantala, sinabi ng Korte na ang mga opisyal ng TRC ay sumunod lamang sa pag-endorso ni Veloso sa kabila ng kanilang mga reserbasyon, na nagbibigay ng hindi nararapat na benepisyo at kalamangan kay AARON.
“Verily, in selection AARON to the exclusion of other NGOs to act as partner of TRLC absent any adequate justification, the accused gave Ronquillo and AARON unwarranted benefits and advantage,” sabi nito.
Sinabi rin ng Korte na ang argumento ni Veloso na narinig niya tungkol sa foundation mula sa ibang kongresista ay hindi kapani-paniwala at walang basehan sa batas. (Boy Celario)