Advertisers
ARESTADO ang isang ama na paulit-ulit na minolestiya ang 12-anyos na anak. Kinasuhan din ang ina ng biktima dahil sa ginawang pananakot sa bata nang magsumbong ito sa kaniya sa Quezon City.
Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division ang 41- anyos na ama nang sunduin nito ang anak sa eskwelahan.
Ayon sa NBI, mismong mga kaklase ng biktima ang naglapit sa kanilang guro sa pang-aabusong nangyayari sa biktima sa loob ng kanilang bahay.
“Nagsabi nga na totoo ang mga allegations na ito at humingi siya actually ng tulong at sinabi niya na ayaw na niyang umuwi ng bahay at natatakot siya sa kaniyang tatay dahil nga sa paulit-ulit na pang-aabuso sa kaniya,” sabi ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao.
Sumbong ng biktima, bago pumasok o pagkauwi galing sa eskwela ginagawa ng ama ang pang-aabuso sa kaniya.
“Nu’ng una, hinawakan siya sa maseselang parte ng kaniyang katawan hanggang naging mas malala ang mga sexual abuses na ginawa sa kaniya,” sabi ni Garcia-Dumlao.
Nagsisisi raw ang ama sa kaniyang nagawa, na kinasuhan ng qualified rape, rape with sexual assault at child abuse.
Ayon sa NBI, damay rin sa kaso ang ina ng biktima dahil tinakot nito ang anak na huwag nang magsumbong sa iba.
“’Yung nanay, kinasuhan din natin ng child abuse dahil ‘yung bata nagsumbong sa kaniyang nanay, pero tinakot siya ng nanay na huwag nang sasabihin sa iba. Lumalabas na complicit din ‘yung nanay sa pang-aabuso sa bata,” pahayag ni Garcia-Dumlao.
Ayon sa NBI, maaaring magsumbong sa kanilang mga tanggapan kapag may nagaganap na pang-aabuso lalo na kapag nangyayari ito sa loob ng tahanan.