Mayor Honey sa parents ng batang 5-11: Pabakunahan ang mga bata
Advertisers
HINIMOK ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga magulang ng mga batang edad limang taon hanggang 11-anyos na pabakunahan na ang kanilang mga anak dahil sa face-to-face na ang klase ngayon sa mga paaralan.
Ang apela ay ginawa ni Lacuna matapos matanggap ang ulat tungkol sa mababang bilang mga batang edad lima hanggang 11 na nagpabakuna kontra COVID -19 sa kabisera ng bansa. Hanggang January 20, 2023 nasa 73, 205 ang kabuuang bilang ng mga edad 5 hanggang 11 na fully vaccinated.
“Muli po, hinihikayat ko ang ating mga magulang na sana, makita ninyo ang kagandahan ng pagpapabakanuna laban sa COVID-19, lalung-lalo na ngayon na very active ang inyong mga anak sa paaralan. Ayaw naman nating mangyari na pag-uwi sa bahay ay mayroon na silang bitbtit na karamdaman,” sabi ni Lacuna, na isa ring propesyunal na doktor.
Kaugnay pa nito ay hinikayat din ng lady mayor ang mga edad 12 – 17 na magpabakuna na o magpa-booster dahil nasa 147,610 ang kabuuang bilang ng minors sa nabanggit na age group ang tumanggap ng bakuna.
Ayon kay Lacuna, ang bakuna kontra COVID-19 ay available sa mahigit 40 health centers sa Maynila.
“Pupuwede kayong magpunta sa pinakamalapit na health center sa inyo,” sabi ng alkalde na nagsabi rin na ang mga health center ay bukas Mondays hanggang Fridays, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.
Partikular na pinananawagan ni Lacuna na magpaturok ng booster shots ang mga teenagers dahil dagdag proteksyon ito kontra COVID-19.
Sa pangkalahatan, sinabi ni Lacuna na ang bilang ng mga nagpapa-booster shots sa Maynila ay mababa maging ito man ay first o second booster.
Sinabi pa ng alkalde na ang mga tumanggap na ng first booster ay puwede ng ‘di tumanggap ng second booster.
“Wala namang mawawala sa pagpapa-booster, lalo na sa 2nd booster, ang baba na. Puwede na magpa-bakuna ulit three months after ng first booster,” paliwanag ng alkalde. (ANDI GARCIA)