Advertisers
HINIHIMOK ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Senate Blue Ribbon Committee na magkasa ng imbestigasyon kaugnay sa kontrata ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa kinuha nitong ‘third party auditor’ na Global ComRCI.
Inihain ni Pimentel ang Senate Resolution 443 matapos lumitaw sa pagdinig ng Senate Ways and Means Committee ang kwestiyonableng credentials at kredibilidad ng third party auditor na kinuha ng PAGCOR para suriin ang revenue ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Una nang napag-alaman na hindi nasuring mabuti ng PAGCOR ang background ng third party auditor na nakakuha ng sampung taon na kontrata noong 2017 na nagkakahalaga ng P6 billion.
Nabunyag din sa pagdinig nitong Lunes na ang third party auditor ay walang opisina, kulang sa capital, hindi nagbabayad ng buwis, hindi nakarehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Securities and Exchange Commission (SEC), at hindi sumunod sa ibang requirements ng terms of referrence na nakasaad sa bidding documents ng PAGCOR.
Sinabi ni Pimentel na dapat bawiin na ang kontrata sa naturang kumpanya.
Iginiit ng senador, dahil malaki ang halagang sangkot sa pagkuha ng third party auditor, mahalagang ito ay masusing maimbestigahan para sa posibleng malfeasance, misfeasance o nonfeasance at katiwalian laban sa PAGCOR officials na sangkot sa kontrobersya.