Advertisers
NASAKOTE ng pulisya sa Bulacan ang dating pulis na umano’y pumaslang sa public relations man na si Bubby Dacer at kanyang driver na si Emmanuel Corbito noong 2000.
Ayon sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), nasakote ng mga operatiba ng iba’t ibang units si dating SPO1 William Reed III, 57 anyos, sa operasyon sa Barangay Poblacion Pulilan, Bulacan noong Linggo, Enero 22, 2023.
Si Reed ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong 2001 ni noo’y Presiding Judge Rodolfo Ponferrada ng RTC Branch 41 sa Manila. Siya ay kinasuhan ng double murder, walang piyansa.
“Further, above-mentioned accused is included in the list of Most Wanted Persons (National Level) as stated in DILG Memorandum Circular No 2003-106 dated January 10, 2023 with Php 250,000.00 reward. He is temporarily detained at RSOG detention facility prior to the return of his Warrant of Arrest to the court of origin,” sabi ng NCRPO.
Dalawang testigo ang nagsabing si Dacer ay dinukot at pinatay Nobyembre 24, 2000. Sinabi nila sa reporters na sina Dacer at Corbito ay sinakal ng mga pulis gamit ang electric cords at sinunog ang mga katawan.
Ang dalawang testigo ay dinakip noon ng National Bureau of Investigation dahil sa kanilang pagkakasangkot. Isa sa mga ito ay umamin na tumulong siya sa paghakot ng mga kahoy at mga gulong para sa pagsunog sa mga biktima.
Sa kasong ito ay dinawit sina dating President Joseph Estrada at dating Senador Panfilo Lacson.
Isa pang dating police officer na sangkot, Senior Superintendent Cezar Mancao II, ang sumuko noong 2017.
Sa mga kinasuhan ng murder, si Mancao ay tumakas sa custody ng NBI noong Mayo 2013 sa pamamagitan ng pagpalit ng padlock sa kanyang kulungan.
Isinangkot niya sina Estrada at Lacson sa pagpatay, pero binawi rin. Wala raw siyang personal na kaalaman sa pagsangkot sa dalawa.(Jojo Sadiwa)