Advertisers
HINARANG ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rodolfo Azurin Jr., ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS) na sibakin sa serbisyo si Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., na nakuhanan ng P6.7 bilyon na halaga ng shabu sa isang operasyon sa Maynila noong Oktubre 2022.
Paliwanag ni Azurin, pinigil niya ang pagpapa-dismis kay Mayo, miyembro ng PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit sa National Capital Region (PDEG SOU-NCR), para lubos na mabusisi ang papel nito.
“I directed yung ating DLOD (Discipline, Law and Order Division) na idaan sa ating DIDM (Directorate for Investigation and Detection Management) kay Major General Eli Cruz, because we wanted to ensure na hindi tayo mate-technical later on. Gusto natin himay-himayin nila yung recommendation ni IG IAS (Inspector-General Internal Affairs Service) para hindi tayo mabaligtad at makabalik pa siya sa serbisyo,” paliwanag ni Azurin.
Aýon kay Azurin, tinitiyak lang niya na hindi ito magagamit ni Mayo bilang depensa sa isinampa nilang kaso laban dito.
Ipinagtanggol din ni Azurin si Brig Gen. Narciso Domingo, director ng PDEG, na hindi niya tinanggal dahil ang PDEG mismo ang humuli kay Mayo.
Inaresto si Mayo noong Oktubre dahil sa pagdadala ng dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon at pagkakasamsam ng P6.7 bilyong halaga ng shabu sa follow-up operation.