Advertisers
Arestado ang 18 anyos na lalaki nang pagsamantalahan ang 24 anyos na babae na naglalaba sa ilog sa Tanauan City, Batangas.
Kinilala ang suspek na si Jeffrey Olequino.
Ayon sa ulat, nangyari ang krimen sa San Juan river sa bahagi ng Barangay Tres sa nasabing lungsod.
“Madalas kasing nakikita niya yung biktima natin na nandon at nag-iisa sa lugar, doon umiral ‘yung kaniyang mentalidad bilang isang kriminal naisagawa niya ‘yung panghahalay,” sabi ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Rhaldie Manzanilla, chief investigator ng Tanauan City Police Station.
Ayon sa asawa ng biktima, ikinuwento umano ng kaniyang misis na pinipilit nito na sumigaw para humingi ng tulong pero inilulublob umano ng suspek ang mukha ng biktima sa tubig.
Nagawa umano ng biktima na makatakas nang mapigtas ang tsinelas ng suspek at nagawa niyang maitulak.
Mabilis na tumakbo pauwi ng bahay ang biktima at nakapagsumbong sa kaniyang kapatid. Doon na sila humingi ng tulong sa mga pulis.
Naaresto ang suspek sa hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen.