Advertisers
MAY 83 Pilipino sa ibang bansa na nasa death row, ayon sa opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa briefing nitong Huwebes ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni DFA Assistant Secretary Paul Raymund Cortez na sa 83 overseas Filipinos (OF) ay 56 ang nasa Malaysia at nahatulan sa kasong murder (30 indibidwal) at drug smuggling/trafficking (18 indibidwal).
Mayroon namang 6 OFWs sa death row sa United Arab Emirates at 5 sa Kingdom of Saudi Arabia.
Habang may isa sa Indonesia, ang kaso ni Mary Jane Veloso; at 15 iba pa sa ibang lugar (Bangladesh, China, Vietnam, USA, Japan, Brunei).
“Minsan may mga kababayan tayo who do not wish to make their cases known to the Philippine embassies or the Philippine consulate primarily because 1) they are already citizens of that country… for that ayaw nilang ipaalam sa Philippine government yung kanilang mga sinapit,” paliwanag ni Cortez.
Ayon pa kay Cortez, mayroong 2,104 Pilipino na nakabinbin ang mga kaso sa iba’t ibang bansa kung saan 1,267 ang nakakulong habang nililitis.
Karamihan ng mga kasong ito ay sa Middle East (1,824 kaso), sinundan ng Asia Pacific (230 kaso) at Americas (27 kaso).
“Kadalasan po ng mga kasong filed against mga kababayan natin ay mga retaliatory cases na tinatawag natin. Ito ho yung minsan pag lumayas yung kababayan natin eh sinasampahan sila ng kanilang amo ng theft… nag-abscond sila which is a criminal offense in other counties and breach of trust…. and of course drug cases as well,” dagdag pa ni Cortez.
Ayon kay Cortez, nabigyan ng gobyerno ng Pilipinas ng tulong, gaya ng legal service, ang mga Pilipino na nakasuhan sa ibang bansa.