Advertisers
SINUSPINDE ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon ni dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo bilang nominee ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list dahil sa ‘disqualification petition’ na inihain laban sa kanya.
Sa pahayag na inilabas ng Comelec, ang petition for disqualification laban kay Tulfo ay dahil sa pagkwestiyon sa kanyang “citizenship” at “conviction by final judgement of a crime involving moral turpitude”.
Ayon sa Comelec, hiniling ang disqualification ni Tulfo ni Atty. Moises Tolentino Jr. Inihain ang petisyon nitong Pebrero 28.
Ipinaliwanag ng Comelec na sa ilalim ng Section 8, Rule 5 ng Comelec resolution no. 9366, maaring masuspinde ang proklamasyon ng isang nominado kung malakas ang ebidensya sa ‘Petition for Disqualification’ at hindi parin nareresolba ang mga ito.
Nakatakda namang i-raffle ang kanyang disqualification case sa isang dibisyon para sa pagsasagawa ng mga pagdinig sa Marso 6.
Inihayag ni House Majority Leader Mannix Dalipe noong Pebrero 22 na nagbitiw si ACT-CIS party-list Rep. Jeffrey Soriano, na nagbunsod sa nominasyon ni Tulfo bilang kapalit sa Kamara ng mga kinatawan.
Dalawang beses na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Tulfo bilang kalihim ng social welfare, ngunit hindi ito kinumpirma ng Commission on Appointments dahil sa libel conviction nito at ang pagkwestyon sa kanyang citizenship. (Jocelyn Domenden)