Advertisers
NADAKIP ang tatlong salarin na sangkot sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. noong nakaraang buwan nitong Biyernes ng umaga, Marso 10, sa Bukidnon.
Kinilala ang mga naaresto na sina Palawan Salem Macalbo, 34 anyos; Nagac Dimatangkil Baratomo, 38; at Amirodin Dimantingkal Mandoc, 29.
Ayon kay Police Major Joann Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office 10, naaresto ang tatlo sa bisa ng arrest warrant para sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.
Inaresto si Macalbo sa bisa ng arrest warrant sa kaso ng pamamaslang noong 2019, habang si Baratomo at Mandoc ay inaresto sa paglabag sa firearms law.
“The arrested persons were included as alleged suspects of the recent ambuscade conducted against Governor Adiong of Lanao Del Sur,” saad pa sa ulat.
Nakuha sa mga suspek ang isang Colt M16 rifle, grenade, Colt M16 magazine na kargado ng walong piraso ng bala at rifle grenade.
Nasa kustodiya na ang mga ito ng Kalilangan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Matatandaan na tinambangan noong Pebrero 17 ang convoy ni Adiong sa Kalilangan, Bukidnon na ikinasawi ng apat nitong police escorts.
Kinilala ang mga nasawi na sina Staff Sergeant Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40; at drayber na kinilalang si Kobi.
Sugatan naman sina Adiong at dalawa pa sa staff nito.
Ilang araw makalipas ang insidente, napatay sa operasyon ang isa sa mga salarin na nakilala sa alyas Otin o Fighter.(Mark Obleada)