Advertisers
MATAPOS ang total make-over ng Manila City Hall Underpass ay inanunsyo naman Mayor Isko Moreno na susunod na isasailalim sa rehabilitasyon at make-over ay ang Lagusnilad Underpass na malapit sa Manila City Hall, upang maging kaaya-aya sa paningin ng mga motorista lalo na sa gabi.
Sinabi ni Moreno na binigyang na niya ng direktiba si city engineering department head Engineer Armand Andres na simulan na ang rehabilitation na nasabing underpass na napakarumi, mabaho at madilim.
Ang Lagusnilad Underpass ay isang vehicular underpass na patungo sa southbound o Taft Ave. kung manggagaling sa Jones Bridge sa Binondo o Quezon Bridge sa Quiapo.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nabatid mula sa alkalde na ang mga sira-sira ng tiles sa parehong side ng underpass ay inalis na at papalitan na upang ang mga dumi na buhat sa mga dumadaang sasakyan ay hindi didikit sa pader na pangit sa paningin.
Sinabi ng alkalde na bahagi ng plano ay pinturahan ang underpass at pailawan ito para sa kapakanan ng mga motoristang dumadaan lalo na sa gabi.
Nabatid naman kay Engineer Andres na kasama rin sa plano ni Moreno na pintahan ng mural ang pader habang ang signage ay pipintahan ng kulay gold na may kumpletong maliwanag na mga ilaw para magabayan ang motorista.
Samantala ay sinabi ni Andres na ang suliranin sa pagbaha sa nasabing underpass ay naresolba na dahil nai-transfer na ang pump at electrical room sa itaas mula sa dati nitong puwesto nasa ilalim ng underpass. Sa dati nitong lugar, ang performance ng pump ay madalas na pumapalya kapag ito ay nababasa.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Andres na sinusuri ang underpass sa posibleng tagas matapos na ito ay lagyan ng aspalto.
“Siguro mga one month aabutin ito. Ang gusto ni mayor, ‘yung ilalim ng Lagusnilad ay iilawan nang husto para kahit gabi, magmukhang araw,” dagdag pa ni Andres.
Ang Lagusnilad Underpass ay para ss mga sasakyan patungong Taft o P. Burgos Avenue habang ang Manila City Hall Underpass na nagdudugtong sa City Hall saTaft at Intramuros na muling binuksan sa publiko matapos ang total make-over ay isa namang underground na daanan para sa mga pedestrian.
Libu-libong motorista at pedestrian ang dumadaan sa nabanggit na mga underpass araw-araw.
Ayon pa kay Moreno, ang Lawton Underpass na nagdudugtong sa Park ‘N Ride area sa Intramuros ay isasailalim din sa renovation upang higit na magamit ng publiko. (ANDI GARCIA)