Advertisers

Advertisers

Iskul sa Sorsogon may one-on-one tutorial sa mga estudyante

0 355

Advertisers

Hindi nagtapos sa pamimigay ng modules sa kanilang higit 500 estudyante ang tungkulin ng principal at mga guro ng Vinisitahan Elementary School sa Donsol, Sorsogon.
Nagpasya kasi ang principal ng paaralan na si Ryan Homan na magkaroon pa rin ng one-on-one tutorial sa mga estudyante tuwing araw ng Lunes, Martes at Huwebes.
“Pinupuntahan namin ‘yong mga bata sa kanilang mga bahay and nagbibigay kami ng 15 to 30 minutes sa bawat bata. Talagang may interaction ang pagtuturo, ang pag-tutor,” ani Homan.
“Isa itong strategy para ‘yong parents hindi masyadong mawalan ng pag-asa na ma-left behind ang kanilang mga anak. Kasi may mga parents na nahihirapan din sa pagturo,” aniya.
Aminado si Homan na malaking hamon sa kanila ang pagtuturo ngayong pandemya kaya kailangan din talagang magtiyaga at magsakripisyo para masigurong kalidad na edukasyon pa rin ang maibibigay sa mga bata.
Inaabot ng halos isang oras ang kanilang paglalakad para marating ang bahay ng mga estudyante. Nasa bundok at malalayong distansiya kasi ang mga bahay ng mga ito.
“Kailangan namin ito gawin kahit mahirap para masigurong natututo ang mga bata at mabigyan pa rin ng kalidad na edukasyon kahit nasa kani-kanilang mga bahay,” ani Homan.
Kahit ang mga magulang ng mga estudyante, ipinasailalim din sa trainings at workshops ng paaralan para kung wala sila, kayang-kayang turuan o gabayan ng mga ito ang mga anak.
Kahit ang mga Sangguniang Kabataan official at iba pang kabataan, naging katuwang din ng paaralan sa pagtuturo.
Labindalawang taon nang nagtuturo si Homan at ilang beses na rin siyang kinilala sa kaniyang galing sa pagtuturo.
Isa si Homan sa Dangal ng Bayan Awardee ng Civil Service Commission noong 2017.(PFT team)