Advertisers

Advertisers

‘Errata’ sa modules ilalabas na ng DepEd

0 344

Advertisers

Tiniyak ng Department of Education na ginawan ng solusyon ang mga naipakalat na maling learning modules sa buong bansa at maglalabas na sila ng “errata.”
Sinabi ni DepEd Usec. Tonisito Umali sa Meet the Press- Report to the Nation Online Media Forum ng National Press Club, nitong Biyernes, na may natukoy ang kagawaran na 35 errors sa modules na naipamahagi na sa 22.5 milyong estudyante.
Ayon kay Umali, nasa 1.1 bilyong modules ang kanilang naimprenta ngunit nilinaw nito na hindi naman lahat ng nailabas na modules ay mali.
Naiintindihan umano niya na dapat walang mali sa modules kaya’t nagpapasalamat sila sa netizens na nakapuna sa kanilang kakulangan at humingi sila ng pang-unawa sa publiko sa mga nakalusot na error sa modules.
Subalit sinabi nito na unfair at mali namang sabihin na puro mali ang modules ng DepEd.
Aniya, hindi maiiwasan ang pagkakamaling ganito ngunit tiniyak nitong aayusin ang mga pagkakamali para sa perpektong solusyon sa hindi perpektong sitwasyon at gagawin nila ang lahat para mapabuti ang kalidad ng ilalabas na modules para sa distance learning ng mag-aaral.
Tatanggapin din aniya nila ang mga puna at kanilang pagbubutihin pa upang wala nang makalusot na pagkakamali.
Ibinahagi naman ni Umali ang mga mekanismo sa pagbuo ng mga textbook bago pa man ang pandemya kung saan umaabot aniya ng anim na buwan hanggang 1 taon bago ang procurement dahil dumaraan ito sa masusing proseso at quality standard.
“Ngunit dahil sa limitadong galaw na meron tayo ngayon ay may mga bagay na hindi maiiwasan dahil na rin sa pandemya,” aniya.
Dagdag pa ng opisyal na magha-hire sila ng maraming reviewer bukod pa sa ginawang website na kanilang ibabahagi sa publiko upang makarating ang mga komento ng netizens hinggil sa maling modules at maglalabas sila ng “errata.”
Sinabi pa ni Umali na may central office na nag-initiate ng modules na talagang quality assured curriculum and instructions strand at marami pang team para masigurong ma-review ito.