Advertisers
“WALANG magre-relax!”
Ito ang apela ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng kanyang muling panawagan sa lahat ng Manileño na sundin ang simpleng basic health protocols saan man sila magpunta dahil aniya may mga bansa na kasalukuyang nakikipaglaban sa muling pananalasa ng COVID-19 dahil sa pagluluwag na ginawa sa ilang prohibisyon.
Sinabi ni Moreno na base sa records ng Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold Pangan ang Tondo, Sampaloc at Malate ang may pikamataas na bilang ng kaso COVID-19 sa lungsod.
“Wear masks. Kung kaya, bumili kayo ng face shield. ‘Wag nýong isipin na konti na ang impeksyon, pwede na ang lahat,” giit ni Moreno sabay sabing ang kaligtasan ng lahat ay nakasalalay sa kung paano pangangalagaan ng mga residente ang kanilang kaligtasan kontra sa coronavirus.
Base sa huling tala ay sinabi ng alkalde na may bagong 54 na kaso sa lungsod; 484 active cases; 307 suspect at 66 probable. Mayroon namang 125 pasyenteng gumaling habang lima ang nasawi.
Sa kasalukuyan ay may kabuuang 39, 714 na sumailalim sa free swab tests kabilang na ang mga probable, suspected cases at maging ang mga nagtatrabaho na nais magkaroon ng kapanatagan ang isip nang hindi na gagasta pa.
Maging ang mga taong makakasalamuha ng mga nasabing manggagawa ay hindi na mag-aalala pa dahil ang mga manggagawang ito ay nasuri na at negatibo sa virus.
Habang ang siyudad ang may pinakamaraming quarantine facilities (QFs) sa Metro Manila, sinabi ni Moreno na natutuwa siya dahil ang ilang QFs ay walang laman at dini-disinfect habang wala pang dinadalang pasyente. (ANDI GARCIA)