Advertisers
Upang mapalakas ang paglaban sa COVID-19, inihayag ni Senate committee on health Senator Christopher “Bong” Go na dapat ay malakas din ang katawan at may wastong nutrisyon ang mga Filipino, lalo ang mga nagbubuntis, nagpapadede ng anak at mga batang 5-anyos pababa.
Nabahala si Go na dahil sa pandemya, naapektuhan ang seguridad sa pagkain at ang malnutrisyon ng marami, lalo ang mahihirap na pamilya.
Kaya naman hiniling niya kapwa sa publiko at pribadong sektor na magtulungan upang mabigyan o magkaroon ng sapat na nutrisyon, partikular ang mga nasa na mahihirap na lugar at liblib na komunidad.
“Huwag natin kalimutan na isa sa mga prayoridad ng administrasyon na ito ay ang itaguyod ang kapakanan ng mga kabataan at kababaihan, kaya ngayong panahon ng pandemya, mahalaga na ipagpatuloy natin ang mga nasimulan ni Pangulong [Rodrigo] Duterte, gaya ng mga bagong programa laban sa malnutrisyon,” ayon sa senador.
Iginiit ni Go sa mga kinauukulang ahensiya, partikular sa Department of Health, na gamitin ang nakalaan nitong pondo para sa pagpapatupad ng Complementary Feeding Program.
Idinagdag niya na kailangan ng sapat na pondo para sa dietary supplementation program ng 6 hanggang 23 buwang bata sa ilalim ng Early Childhood Care and Development Program.
Sa inisyatibang ito, aniya, dapat na isama ang mga nagbubuntis, kababaihan at mga bata lalo ngayong may pandemya.
“Dapat siguraduhin na maayos, sapat at masustansya ang pagkain ng mga bata, lalo na ‘yung mga mahihirap at nasa vulnerable sectors. Pampalakas po ito ng resistensya. Kapag malakas ang inyong resistensya, mas lalaban po ang ating katawan laban sa COVID-19, hindi basta-bastang mahahawa,” paliwanag ni Go.
Noong 2017, inilunsad ng National Nutrition Council ang Philippine Plan of Action for Nutrition 2017-2022 na tumukoy sa may 38 priority areas sa bansa para sa nutrition interventions.
Ipinunto ng senador na ang mga malnourished na bata ay madaling kapitan ng kahit ng mga karaniwang sakit bunga ng mahinang immune systems.
Patunay aniya dito ang ulat ng United Nations Children’s Fund na ang karamihan ng batang namamatay ay iniuugnay sa mahinang nutrisyon o pangangatawan dala na rin ng kahirapan.
Noong 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11037, o ang Masustansyang Pagkain Para Sa Batang Pilipino Act, na lumilikha sa national feeding program para sa mga undernourished kids sa public daycare centers, kindergarten at elementary schools. (PFT Team)