Advertisers
TALIWAS sa pagtiyak ni House Deputy Speaker Lito Atienza na sa 2021 ay posible nang makakakuha ng panibagong legislative franchise ang ABS-CBN sa ilalim ng liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco, para kay SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta ay dadaan ito sa butas ng karayom.
Ayon kay Marcoleta, isa sa pangunahing tumutol sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, may karapatan ang TV network na muling mag-apply ng prangkisa sa Kamara. Subalit kung maaprubahan ito ay nakadepende sa maraming bagay, una ay kung nagkaroon ng reporma, nagkaroon ng bagong management, at kung natugunan na ang naging violations nito.
“Kung mag-apply sila pero yung mga tao nasa likod nito ay sila sila parin, yung pasilidad ganun parin, walang nakitang reporma ay baka hindi parin sila mabigyan ng franchise,” giit ni Marcoleta.
Giit pa ng mambabatas, ang bawat isang probisyon sa prangkisa ng ABS-CBN ay hihimayin din isa isa kaya kung sya ang tatanungin ay matatagalan pa bago sila mapagbigyan.
Para rin sa grupong Fe-deration of International Cable TV and Telecommunication Association of the Philippines (FICTAP), dapat munang bayaran ng ABS-CBN ang P1.6 trilyon nitong penalties sa kanilang violations bago pa magbalak na mag-renew ng kanilang prangkisa.
“Bago sana pag-usapan sa Kamara yung renewal, ma-satisfy ang government na mabayaran yung penalties, kasi kaming cable operators pagka meron kaming shortcomings sa National Telecommunications Commission (NTC) hindi nare-renew yung aming mga permit kung hindi kami magbayad ng unpaid penalties. Eh bakit sila magre-renew nang hindi naman sila nagbabayad ng kanilang penalty?” anang FICTAP President, Estrellita Tamano.
Matatandaan na una nang kinumpirma ni Atienza, Rep. ng Buhay Partylist, na sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay maibabalik sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.
“I am really confident, justice will prevail by next year.They (ABS-CBN) were maltreated, they were eventually assassinated, so they should be given justice. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion. Hindi ‘yung special firing squad ang pumatay sa ABS-CBN, firing squad eh ” pahayag ni Atienza.
Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunod narin sa rules ng Kamara.
Maliban kay Atienza at sa Makabayan Bloc, ilan pang mambabatas na sumusuporta at nag-sponsor ng iba’t ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN ay sina Reps. Sol Aragones, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rosemarie Arenas, Loren Legarda, Vilma Santos-Recto at Joy Tambunting. Ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ay nag-withdraw ng kanilang support kalaunan.
Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, subalit kung pagbabatayaan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin ang nauna nitong aplikasyon.