Advertisers

Advertisers

Mag-ina pinagbabaril ng pulis dahil sa boga

0 539

Advertisers

VIRAL ngayon sa social media ang video ng pamamaril ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Kinilala ang mag-inang nasawi na sina Sonya Gregorio, 52; at Anthony Gregorio, 25-anyos; nang barilin ng pulis na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, 46, kasalukuyang naninirahan sa Purok 2, Barangay Cabayaosan sa Paniqui, at aktibong pulis na nakatalaga sa Paranaque City Crime laboratory (SOCO).
Sa report ng Paniqui Municipal Police Station, nangyari ang pamamaril sa naturang purok 5:00 ng hapon ng Linggo, December 20.
Sa report, inaawat ni Sonya ang kanyang anak na si Anthony na nakikipagtalo sa pulis. At ang anak naman ni Nuezca nakipagsigawan kay Sonya at sinabunutan pa at doon na binaril ni Nuezca ang mag-ina gamit ang kanyang service firearm na 9mm Beretta at naglakad lang palayo na parang walang nangyari.
Ayon kay Municipal Police chief, Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa, nagsimula ang lahat sa pagsita sa “boga” hanggang maungkat ang road right of way ang naging mitsa ng pagpatay ng pulis sa mag-ina.
Nagsimula ang komprontasyon nang sitahin ni Nuezca at anak nito ang sumabog na “boga” , isang improvised canon na gawa sa PVC.
Sumuko si Nuezca 6:19 ng gabi ng Linggo sa hepe ng Rosales Pangasinan Police station at isinuko rin ang baril na ginamit sa pamamaslang na ngayon ay isinasailalim sa pagsusuri ng crime laboratory ng Tarlac PNP.
Agad inilipat si Nuezca sa Paniqui Municipal Police Station habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
Si Nuesca ay maraming beses nang naharap sa kasong kriminal at administratibo tulad ng 2 Grave Misconduct (Homicide) noong 2019; Serious Neglect of Duty (2016); Less Grave Neglect of Duty, pagtangging sumailalim sa drug test (2014); Admin case-Grave Misconduct (2013) at nasuspinde rin ng 10 days at 31 days (2015); pero nadismis ang Criminal dahil sa umano sa “for lack of substatial evidence).
Nanawagan naman si Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun kay Justice Sec. Menardo Guevara na ipahawak sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong ito ng pamamaslang.
Sinabi ni Fortun na dapat ipaubaya ng Philippine National Police (PNP) ang kustodiya at jurisdiction sa mamamatay-tao na si Cpl. Jonel Nuezca.
Mahalaga rin aniyang maihabla na sa korte sa lalong madaling panahon si Nuezca upang sa lalong madaling panahon, maibaba narin ang karampatang parusa sa pagpaslang niya sa mag-inang Gregorio.
Samantala, ipinahayag ni PNP Chief, Gen Debold Sinas, na hindi niya palalampasin ang ginawang pagpatay ni Nueca sa mag-ina dahil lang sa pagpapaputok ng boga.
Sinabi ni Sinas, hindi niya pababayaan na sirain at dungisan ng isang pulis na puno ng galit ang isip at dibdib ang imahe ng PNP na pinagsusumikapan ng kasalukuyang pamunuan na ayusin at pagandahin.
Sinabi ni Sinas na bukod sa kasong kriminal, sasampahan din ng kasong adminsitratibo si Nuezca.
Ayon naman kay Rombaoa, isinampa na sa Tarlac City Prosecutor’s Office ang kasong 2 counts of murder laban kay Nuezca. (Gaynor Bonilla)