Advertisers

Advertisers

Sec. Duque ‘di alam na naturukan ng Sinopharm vaccine ang ilang sundalo

0 431

Advertisers

DUMISTANSYA si Health Sec. Francisco Duque III na magkomento sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na marami nang naturukan ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese company na Sinopharm sa Pilipinas, kabilang na ang ilang militar.
“Hindi po ako makapagsalita ng kumpleto patungkol dito,” ani Duque sa isang media forum.
Ayon sa kalihim, pareho lang din ang impormasyon na kanyang nalalaman sa kung ano ang alam ng presidente. Kung mayroon daw dapat tanungin tungkol sa issue, walang iba kundi mismong si Pangulong Duterte.
Noong Sabado binanggit ng chief executive sa meeting ng Inter-Agency Task Force at health experts na marami nang naturukan ng Sinopharm vaccine dito sa bansa.
“Sabihin ko sa iyo, marami na ang nagpa-injection dito sa Sinopharm… halos lahat ng sundalo natusukan na,” ani Duterte.
“I have to be frank and I have to tell the truth. I will not foist a lie. Marami nang nagpatusok and lahat,” dagdag ng presidente.
Itinanggi naman ng Food and Drug Administration ang ulat, dahil wala naman daw silang nahuli na gumagamit ng COVID-19 vaccine matapos ang mga serye ng kanilang raid.
“Wala nga po kaming mahuli. Naka-tatlong raid na po kami sa Makati at saka sa Binondo pero wala naman po kaming nahuli pa,” ani FDA director general Eric Domingo.
Umapela si Duterte sa FDA na huwag patagalin ang proseso ng evaluation sa mga bakunang nais ipasok sa Pilipinas. Pero paliwanag ni Domingo, naka-depende sa mga ipapasang dokumento ng manufacturers ang kapalaran na magamit ang kanilang bakuna sa mga Pilipino.
Wala pang inilalabas na datos ang Sinopharm tungkol sa efficacy o pagiging epektibo ng bakuna nito kasunod ng isinasagawang clinical trials ng iba’t-ibang bansa.
Ayon sa interim data analysis ng United Arab Emirates Health Ministry, 86% effective ang COVID-19 vaccine ng Sinopharm matapos ang ginawa nilang Phase III trials dito.
Pinag-aaralan na rin ang bakuna ng Chinese state-owned company sa Egypt, Jordan at iba pang Arab countries.
Wala namang aplikasyon ang Sinopharm para makapag-clinical trial sa Pilipinas, pero una nang sinabi ng DOH na plano ng kompanya na mag-supply ng kanilang bakuna sa bansa. (Josephine Patricio)