Advertisers
NAGLAAN ng halagang P100,000 bilang pabuya si ACT-CIS partylist representative at House Finance Committee chairman, Cong. Eric Go Yap, sa sinumang makatutulong sa mga awtoridad para sa mabilisang pag-aresto sa iba pang suspek sa karumal-dumal na ‘rape slay’ na nangyari sa isang hotel sa Makati City, bisperas ng Bagong Taon.
Sa isang pahayag nitong Martes, mariing kinondena ng mambabatas ang sinapit ni Christine Angelica Dacera, 23, tubong General Santos City at flight stewardess sa Philippine Airlines.
“Walang lugar sa lipunan natin ang mga taong may sala at hindi dapat rape at homicide lang ang isampang kaso sa kanila, dapat ay murder ang kaso at siguraduhing mabubulok sila sa kulungan,” ani Yap.
Si Dacera ay natagpuang walang malay sa bath tub ng isang kuwarto ng Garden City Hotel noong bisperas ng Bagong Taon at may indikasyon na hinalay.
Naisugod pa ang biktima sa ospital subalit idineklarang ‘DOA’ (dead on arrival).
“Hustisya ang panawagan natin at tiyaking mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen na ito,” sabi ni Rep. Yap.
Aniya pa, magbibigay siya ng P100,000 pabuya upang agarang maaresto ang iba pang mga nakatakas na suspek sa krimen na kinilalang sina: Gregorio Angelo De Guzman, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, Ed Madrid at isang nagngangalang Paul.
Una nang naaresto ng Makati City Police ang tatlo pang suspek na sina Pascual Dela Serna III, Rommel Daluro Galido at John Paul Reyes Halili.
Nasampahan na ng kasong ‘rape with homicide’ ang tatlo sa Makati City Prosecutor’s Office, ayon kay PNP Chief, Gen. Debold Sinas.
Nilinaw pa ni Yap na hindi niya kilala ng personal ang biktima o ang pamilya nito at ang kanyang alok ay dahil hindi niya “masikmura” ang malagim na insidente.
Nanawagan din si Yap sa Commission on Human Rights para tutukan at bantayan ang nasabing kaso.