Advertisers
AMINADO si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brigadier General Vicente Danao Jr. na hilaw pa ang kasong isinampa laban sa mga suspek sa pagpatay sa flight attendant na si Christine Dacera.
Ito ay matapos na ipag-utos ng Makati Prosecutors Office na palayain ang mga suspek na sina Rommel Galido, John dela Serna at John Paul Halili dahil hindi sapat ang ebidensya na iprinesenta ng Makati Police upang pagtibayin ang kasong rape with homicide.
Ayon kay Danao, posibleng isang rave party ang naganap noong gabi ng Disyembre 31, 2020.
“‘Yung pagka-file ng case na ‘yan dahil sa eagerness po ng ating kapulisan na mai-file kaagad pero ako sabi ko nga honestly speaking eh kung baga sa mangga ay medyo hilaw pa,” ani Danao.
Sa ngayon ay nakapokus umano ang kapulisan sa pagkalap ng forensic evidence upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Dacera.
“Talagang magkakaroon po ng aneurysm, ‘yun po ang sabi ng ibang mga doktor na kilala ko. That would be one of the cause, ‘yung heavy drinking coupled with drugs lalo na at party drugs eh talagang puputok ‘yan, mag-rupture. Hindi ko alam kung gaano katotoo ‘yun,” dagdag pa ni Danao. (Jonah Mallari)