Advertisers
ISINULONG ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano ang pagkakaroon ng “vaccine passport” para sa mga Pilipino matapos ilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang COVID-19 vaccination road map sa kanilang panayam sa mga miyembro ng media.
Ayon kay Cayetano, mahalaga ang paglulunsad ng isang credible certification system sa pamamagitan ng “vaccine passport” na makakapagbigay-daan para mas malayang makapaglakbay ang mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging sa ibang parte ng mundo.
“Hindi lang ito isang pangkalusugang inisyatibo kundi susi para maibalik ang kumpiyansa ng taumbayan na siguradong makakapagpalakas ng ekonomiya,” ani Cayetano pagkatapos magsagawa ng media conference ng IATF nitong Enero 6, 2021.
Sinimulan na ang pagkakaroon ng vaccine passports o certificates sa ibang bansa kabilang ang Bahrain kungsaan maraming Pilipino ang nagpakita ng kanilang larawan sa social media.
Kabilang dito sina Rosalie Wood Nochefranca, Arnel Estrella at Alfonso Ver sa mga nagpakita ng kanilang vaccine certificates sa kanilang mga Facebook post mula December 28, 2020 hanggang January 4, 2021. Hinimok ni Ver ang mga Pinoy sa Bahrain na magpabakuna sa tulong ng Bahrain Ministry of Health.
Ayon sa website ng Bahrain Ministry of Health, ang kanilang ahensya ay nagbibigay ng vaccination certificate sa mga indibidwal pagkatapos nilang makumpleto ang vaccination schedule.
Sa kanilang media briefing, pinaliwanag ng mga opisyal ng IATF na sila ay kasalukuyang nakikipagnegosasyon sa iba’t ibang pharmaceutical companies na nag-develop ng COVID-19 vaccines para makapagbigay ng 148 million doses na sasapat para sa mga Pilipino.
Tinatayang 50 milyon hanggang 70 milyong Pilipino ang mababakunahan sa taong ito, na sisimulan sa health care workers, vulnerable at mahihirap na senior citizens, mga mamamayan mula sa mahihirap na komunidad, uniformed personnel, guro, mga manggagawa sa mga paaralan at gobyerno, essential workers, mga vulnerable dahil sa may ibang karamdaman, mga OFWs, mga manggagawa at mag-aaral.
Para kay Cayetano, ang paglalatag ng vaccination road map ay “mabuting simula” at hinikayat din niya ang mga concerned agencies na magtulong-tulong para matiyak na maipatupad ng mas epektibo at mas maayos sa pinakamabilis na panahon ang nasabing plano ng pagbili at distribusyon ng mga bakuna.