Advertisers
IKINASA na ng mga barangay sa buong bansa ang listahan ng kanilang mga residente na mauunang makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ni Interior Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, hinihintay na raw ng mga lokal na pamahalaan ang utos mula sa national at city governments kaugnay sa vaccination program.
Sinabi ni Diño, prayoridad sa pagpapabakuna ang mga frontliners at mga matatanda, sang-ayon sa direktiba mula sa national government.
Bukod dito, naghahanda na rin aniya ang mga barangay sa iba pang mga logistical concerns ng vaccination events tulad ng pasilidad at equipment na gagamitin.
Maaari rin aniyang tumulong sa vaccination program ang mga kasapi ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
Matatandaang, sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na maaaring sa Pebrero na magsimula ang pagpapabakuna laban sa coronavirus sa bansa.
Kaugnay nito, inihayag ni Galvez na mahigit-kumulang 25,000 katao na ang sumasailalim sa pagsasanay sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa mga Pilipino. (Josephine Patricio)