Advertisers
HUMIRIT si House Committee on Metro Manila Development Chairman Manuel Lopez na magkaroon muli ng moratorium para sa disconnection o pagpuputol ng linya ng kuryente.
Kasunod na rin ito ng pagpapalawig ng ehekutibo sa “no disconnection policy” hanggang ngayong buwan para sa lifeline customers o mga kumokonsumo ng kuryente na hindi tataas sa 100 kilowatt-hours.
Giit ni Lopez, mahalagang magpatupad muna ng moratorium sa pagpuputol ng linya ng kuryente dahil marami sa mga power consumers ay hindi pa kayang magbayad ng buo matapos na mawalan ng kabuhayan at trabaho.
Umaapela rin ang mambabatas na magkaroon ng moratorium para naman sa suplay ng tubig.
Diin ni Lopez, nagawa naman aniya ito sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2, kaya mainam na ituloy pa rin ang suspensyon bilang tulong na rin sa mga Pilipino na bumabangon pa lamang sa epekto ng pandemya. (Henry Padilla)